28 September, 2010

Promise of a Lifetime




Anak...

Paano ba 'to? Ahm...

Anak... Kamusta ka na? Kami, ayos naman kami. Si Carol, dalaga na, nahuli nang Daddy mo... May ka-text, boyfriend niya. Hahaha... Pinapunta nila sa bahay yung lalaki, pasado na sa akin, mestizo, si Kuya Daniel mo nega... Pinagkaisahan nila nang Daddy mo. Hindi na tuloy ulit bumisita sa bahay...

Si Daniel nga pala may trabaho na, limang buwan na siya sa pinapasukan niyang pabrika, at ang sabi sa kanya, mare-regular siya... Mabuti nga't nag-ayos na sa buhay ang kuya mong iyon, nagtino siya simula nang iwan mo kami.

Tapos si Daddy mo, tuloy-tuloy naman na ang gamot niya sa diabetis... Mild lang naman yung diabetis niya... Huwag ka mag-alala, hindi siya puputulan ng paa, baka yung ANO pa niya ang putulin ko, mukha kasing may kapatid pa kayo sa labas...

Hay...

Malaking tulong yung perang galing sayo... Yung bunso mong kapatid, si Raffy, hinahanap ka araw-araw. As in ARAW-ARAW. Palagi siyang naka, "Ma, si kuya Albert?" ikaw lang kasi masigasig na nagtuturo sa mga aralin niya. Hindi ko naman siya matulungan, ano bang malay ko sa... Ano nga ba iyon? Greatest... Great... Greattaste than? Basta yon. Saka LCD, sabi ko sa kanya TV yon, hindi daw, sa praksyom daw yon. Hindi ko alam sa kanya. Parati na nga kami nagsisigawan... Hindi ko kasi maintindihan, e ikaw ang kumukuha ng inhinyero sa pamilya kaya ikaw lang talaga makakatulong sa praksyom na yon.

Dahil sa perang galing sayo, nakabayad na tayo kay Aling Patring. Yung matandang yon, wala kasing tigil sa kakadada.

Anak pasensya na kung ngayon lang ako nakapagparamdam...

Si Angel... Yung shishu... Yung aso mo... Nanganak na... Apat, tatlong lalaki, isang babae, puro kulay puti, kakulay lahat ni Angel... Mukhang mga basahan... Tuwang-tuwa nga si Raffy eh...

Ako? Ayos lang ako. Miss ka na. Hay... Albert... Bakit ba kasi ikaw pa ang kailangang umalis... Kulang na tayo... Wala ka na tuwing hapunan... Walang yumayakap sa Mommy mo... Albert... Gusto ko sanang bumalik ka na sa amin... Napagod ka nang mag-Dubai... Anak... Wala nang bumu-bola sa akin... Anak...

Wala nang nang-uuto sa akin... Wala nang nagsasabi sa akin na, "yor da bes mom on di word" Albert... Wala na akong goodboy... Al... Hay tama na ang drama... Baka sabihin mo pa tinatalo ko pa yung crash mong si Angel Locsin sa pagda-drama...

Saka pala... Lumabas na yung panganay mo... Anak niyo ni Trina... Isusunod sana sa pangalan mo... Kaso ampanget... ALBERTA? Kaya natagalan bago napag-isipan ang pangalan, sunod pa rin sa pangalan mo... Alvreit. Ang landi di ba? Saylen daw yung letrang Ta. ALBHREY... Maubusan ka nang hangin pangalan pa lang.

Hayaan mo... Sa susunod, bibisita din sila dito, 2 months pa lang kasi... Bawal pa yon dito sa simenteryo... Madaming bacteria dito...

Al... Kalahating taon ka na naming hindi kasama... Hay... At alam ko... Kahit anong usap ko sa iyo... Hindi ka na namin makakasama... Mabuti ka pa... Tahimik ka na d'yan. Wala nang problema... Wala na nga pala tayong problema sa bahay, yung perang nakuha namin nung namatay ka, naibili rin namin ng bahay. Medyo malayo nga lang sa dati nating inuupahan, pero atlis atin na yon talaga...

Sige na anak... Aalis na rin ako... Mahal kita... Mahal ka namin...

21 September, 2010

I Miss You Like Crazy • 7

Chapter 7 - Sunshine

'Magpapa-salon lang, isinama pa ako,' bulong ko habang nasa loob kami ni Marj ng isang salon.

"Andrew?!" tanong nang isang empleyado sa salon, tinitigan ako, kinilatis, "ay hindi, Marj, kapatid ni Andrew?" sabay turo sa akin.

"Ah, Dianne, hindi, siya nga pala si..." sabay titig sa akin, hindi niya pa pala ako kilala.

"Japhet. Japhet Dela Cruz," salo ko kay Marj.

"Hmmmm... Akala ko kasi nagkabalik..."

"Pagugupitan ko siya," putol ni Marj.

"Ako?!" tanong ko, nabigla ako syempre.

"O sige..." sabay hatak sa akin nung Dianne.

"Ilabas mo lahat ng kaya mong gawin sa itsura niya," dugtong pa ni Marj.

Ginugupitan ako, at nakikita ko sa salamin si Marj, busy sa pagbabasa ng magazine. Napatingin siya sa akin, pero inalis din niya ang tinging iyon. Umalis na si Dianne at shinampuhan na ako nang isang lalaki, lumapit sa akin si Marj.

"Anong nickname mo? Panget yung pangalang Japhet," panlalait niya.

"Apeng..." sagot ko.

Napatingin lang siya, hindi mo maintidihan ang reaksyon niya sa mukha niya.

"Maganda naman yung Japhet ha," sagot nung lalaking naghuhugas ng buhok ko.

"Kausap ka?!" pambabara ni Marj, "Jaf, lalabas lang ako sandali, antayin mo na lang ako rito," paalam niya sa akin sabay labas ng salon.

Tapos na ang lahat ng kalandiang ginawa sa buhok ko, pinagdeskitahan naman ni Dianne ang mukha ko.

Inilapit niya sa mukha ko ang isang maliit na gunting, at... Pinaggugupit ang kilay ko, ang bigote ko at ang pilikmata ko.

Dumating na si Marj, wala naman siyang dala, hindi ko alam kung saan galing 'to pero baka nag-shot muna.

Saktong lingon ko sa kanya, tapos na ang kalbaryo ko sa kamay ni Dianne.

Parang katulad sa mga pelikula, tinignan niya lang ako, pero may mas magandang term, Natulala siya.

Alam mo yung expression sa mukha ng sa mga bata, mahilig ako doon, ganoon ang expression ko ngayon.

Natigilan na lang siya nang tumunog ang cp niya.

19 September, 2010

I Miss You Like Crazy • 6

Chapter 6 - We Used To Do

"Lugaw?" alok ko sa kanya, "may itlog na yan," dinala ko siya sa lugawan sa tapat ng bahay ko, na mukhang kwarto.

Tinignan niya ang lugaw, hinalo, hinati ang nilagang itlog, tinitigan ako, "wala nang ibang pagkain?"

"Hindi ka ba kumakain ng lugaw?"

Natahimik lang siya.

"Mayaman ka 'no?"

Hindi pa rin siya nagsasalita.
................................

Kumakain na kami ngayon sa SM North EDSA.

"Lugaw din naman pala ang kakainin mo dito..." angal ko sa kanya.

"Porridge yan."

"Ok..."

"Hindi ako buntis."

"Ano yung sinabi mo kagabi?"

"MA! Lasing ako."

"Pasay ka pa nakatira?"

"Bakit?"

'Sungit nito...' bulong ko, "aalis na ako, may klase pa ako."

"Then go."

"Salamat ha," sarcastic kong sabi.

"Your welcome," sagot naman niya, parang wala lang. "Number mo?"

"Ko?"

"Hindi... Yung waiter. Ikaw ang kausap ko di ba?"

Binigay ko naman ang number ko sa kanya. Paakyat na ako ng MRT para mag-store-visit ng may magtext.

"Thnx.. By d way im Marj. Slmat. I save mu n0. Ko."

Napangiti ako, hirap lang pala siya magsalita. May nagtext ulit.

"Kita tau s arnta stax0n m2ya."

Nag-reply ako, "D2 aq s trin0ma 2day."

"M2yang 4pm pik-up kta sa parking."

"My klase aq ng 1pm to 4.30pm."

"E d umbsent k!"

Hindi ko alam kung nagayuma niya ako, pero nag-cut ako ng klase.

4pm, sa Parking ng Trinoma, "Hoy!" sigaw niya sa likod ko, "Hindi ko dala yung kotse, tumakas lang ako sa bahay!"

"Tapos?!"

"Tara"

Pumasok ulit kami ng Trinoma.

16 September, 2010

I Miss You Like Crazy • 5

Chapter 5 - The Things

Hindi naman sa pakialamero ako, pero syempre, karapatan ko pa rin namang malaman kung sino itong babaeng nakikitulog sa kama ko. Tinignan ko ang wallet niya, at ang una kong nakita, picture nila ni Andrew. Hindi ako nanghuhula, nakasulat sa mismong picture ang "Drew ♥ Marj"

Masaya silang pareho sa litrato, kitang-kita mo kung gaano nila kamahal ang isa't-isa. Pero may isa pa akong napansin sa picture, at agad akong napatingin sa salamin. May hawig kami nung lalaking bumuntis sa kanya. Mas maputi lang siya, mas mapula ang labi niya, mas makinis lang ang mukha niya, pero lahat-lahat, mas gwapo pa rin ako, mas mukha nga lang siyang mayaman.

Binulatlat ko pa ang wallet niya, at sa wakas, nakita ko na ang hinahanap ko, bukod syempre kung may perang laman ang wallet niya, at hindi naman ako bigo dahil LIBO ang pera niya, este, nakita ko na ang ID niya.

'Marjorie Pineda'

Marjorie...

Nagising akong nakahiga sa kama, at wala na siya. "Daig pa ang Border ha..." sabi ko.

Pababa na ako nang biglang may sumigaw.

"Mukha ko!!!"

Naapakan ko ang mukha niya, nakahiga siya sa sahig.

"T**g-i*a ka!" mura niya.

"Sorry..."

Bumangon siya, "bakit ako nasa sahig?!"

"Ah..."

"Sino ka? Anong ginagawa mo dito sa kwarto?!"

"Bahay ko 'to!" umangal na ako.

"Bahay na 'to? Bahay na 'to sayo?"

'Gago 'tong babaeng 'to ha,' bulong ko.

Tumingin siya sa sarili niya, "Hinubaran mo ko?!"

"Naligo kang mag-isa mo!!!"

"Sinisigawan mo ako?"

"Oo! Kasi antipatika ka! Ni hindi mo man lang makuhang magpasalamat at hindi kita iniwan sa MRT! Na pinabayaan kitang ipahiya ang sarili ko sa lahat nang tao don! Na pinatulog kita dito sa bahay ko dahil sa sobrang kalasingan mo!" napuno na ako kaya nasigawan ko na siya, "kung hindi ka lang buntis e di sana..."

"Buntis?! Ako!?"

"Sinigawan mo ako kagabi na 'panagutan kita'!"

"Talaga?" pabulong niyang sabi.

"Oo! At sinampal mo pa ako!"

"Wala akong maalala..."

"Yan lang naman ang BEST ALIBI ng mga LASING!!!"

Tumahimik sandali.

"Nagugutom na ako..." sabi niya.

13 September, 2010

I Miss You Like Crazy • 4

Chapter 4 - Going Strong

"Apeng!" tawag sa akin ng mga kapitbahay kong kasalukuyang tumutoma, "tagay ka muna..."

"Pass muna ako..."

"Hoy! Sino yang karga mo? Babae yan ha!"

Hindi ko alam kung bakit, pero bumaba siya sa pagkaka-pasan ko sa kanya. Naamoy siguro niya ang bestfriend niyang alak.

"Oy, maganda 'to ha... Syota mo 'to Japhet?"

Tumabi siya sa mga lasenggo kong kapitbahay, "shot!"

"Oh, shot daw, Toto, shot daw!" pinainom naman nila ng Gin si, sino nga ba 'tong babaeng 'to?

"Neng, syota ka nito?" tanong nila sa lasengga kong kasama sabay turo sa akin.

"Hindi ako Neneng!" sigaw niya.

"Lasing na 'to eh, iuuwi ko muna 'to," inawat ko siya sa isa pang tagay nang ice cold gin, at mabuti naman, hindi na siya pumalag, humabol muna siya ng isang stick ng dugo, kinain, at pagkaliko pa lang namin, walang habas na siyang nagtatawag ng uwak.

Namumutla na siya pagdating namin sa inuupahan kong bahay, na mukhang kwarto lang.

"Oh, ano? Ok ka pa?" tanong ko sa kanya.

Humiga lang siya sa kama.

"Wag kang humiga! Kakasuka mo pa lang, may after shock pa yun!"

Inupo ko siya sa kusina at pinagtimpla ng kape.

"Hindi ako nagka-kape!" reklamo niya.

"Mainit na tubig, gusto mo?"

"CR?"

Hindi ko narinig yan nung tinanong niya.

"CR?" tanong niya ulit.

"Ha?!" kitang-kita ko na sa reaksyon niyang may iluluwal na naman siya.

Hindi pa kami umaabot sa CR, lumabas na ang hindi inaasahan, napigilan ko naman, nang takpan ko ang bibig niya.

"Kadiri ka!" ramdam na ramdam ko ang init ng niluluwal niya, malagkit, nakakadiri.

Matapos ang session niya with the toilet bowl, inabutan ko siya ng damit ko, tuwalya at bagong toothbrush. "Yung toothpaste andyan na sa loob, pati sabon at shampoo."

Makaraan ang isang oras at kalahati, nakalabas na rin siya ng CR, dumiretso sa kama, at natulog.

Ako? Naglalaba ng amoy suka niyang damit.

10 September, 2010

I Miss You Like Crazy • 3

Chapter 3 - For You 

"North Avenue Station, last station, kindly check your..."

Tinapik ko siya, pero ayaw pa ring gumising. Bumaba na ang mga Madre, pero nililingon pa rin nila kami. Pinasan ko siya, pasakit ba ito sa akin? Ni hindi ko nga kilala 'tong babaeng 'to.

May isa pa akong problema... Sa Pasay pa siya uuwi. "Shit ka!" sigaw ko sa kanya.

Inuntog niya ang ulo niya sa akin. Ramdam na ramdam ko ang tigas ng ulo niya, para akong hinampas ng paddle sa ulo. 'Siraulo ka,' bulong niya.

Palabas na kami, "asan ang ticket mo?" tanong ko sa kanya.

"Nasa Araneta..."

"Araneta?"

"Araneta Coliseum! Tanga ka?!"

"Bakit nasa Araneta?"

09 September, 2010

I Miss You Like Crazy • 2

Chapter 2 - So Long

"Ang sakit sakit... Sana pinatay na lang niya ako... Bakit ba? Mahal na mahal ko siya... Panget ba ako?"

Paulit-ulit niya yang sinasabi. Umiiyak. Hindi naman siya panget, actually maganda siya. Maputi. Sexy. Bagsak na at mahabang buhok. Dyosa.

'DYOSANG MAY AMATS,' bulong ko sa sarili.

Nilapitan na kami ng guard, "boy, last train na yang parating... Sa bahay na kayo mag-usap," sabay tapik sa balikat ko at umalis.

Last train? Anong oras na ba?

10:27pm.

Ha??! Ganon na siya katagal emote? Tumayo na ako.

"Tara! Sasakay na tayo! Last train na daw," yaya ko sa kanya.

Hindi siya tumayo, humiga pa sa siya.

Dumating na ang tren at nagbukas na ng pinto.

Hinatak ko na siya, "halika na!"

"Ayoko!!!" sigaw niya.

'Siraulo ka!' bulong ko, binuhat ko na siya at pumasok sa tren. Sakto, sumara na ang pinto. Dahan-dahan ko siyang inupo sa upuan, nang biglang umandar na ang tren.

Siya, napahiga sa upuan. Ako? Gumulong. Hindi pa ba sapat ang kahihiyang inabot ko kanina? Matatapos na lang ang araw, pinaliguan pa ako ng kamalasan...

"Shit!!!" sigaw ko, pag-angat ko ng ulo ko, nasa tapat ko ang dalawang matandang Madre, sabay pa silang napa-krus habang nakatitig sa akin.

Napatungo na lang ako, "pasensya po..." at bumalik sa babaeng lasinggerang pahamak sa buhay ko.

Nung iuupo ko siya, gustong-gusto kong sa buhok siya hatakin, pasalamat siya't nakatingin pa sa akin yung mga Madre.

Maya-maya pa... Quezon Avenue Station na. Nakalimutan ko siyang tanungin kung saan ba siya baba. Ginising ko siya. "Saan ka bababa?" tanong ko sa kanya.

Nag-isip siya saglit, dinilaan ang labi, tumitig sa akin at sumagot, "Pasay," sumara na ulit ang pinto.

"PASAY??!" sigaw ko, "P****g-i*ang yan! Anong ginagawa mo sa North Bound!!?"

Sumama na ang tingin sa akin nung dalawang Madre. Napapikit na lang ako.

08 September, 2010

I Miss You Like Crazy • 1

Chapter 1 - Even Though

"Mahal kita Andrew!!!" makabasag tengang sigaw ng isang babae sa Araneta Center-Cubao Station ng MRT. Alas-nuwebe y medya na nang gabi yon kaya siguro ganoon kalakas ang loob niyang ipahiya ang sarili.

Nakatayo siya, nakadungaw sa harap ng Araneta Coliseum, ako? Nakaupo ako. Tahimik na naghihintay ng tren, at tahimik na nakikiusyoso.

"Shit ka!!!" sigaw niyang muli bago umalis sa kinatatayuan at tumabi sa akin.

Ramdam na ramdam ko ang ispiritong kasama niya. Wag kang matakot. Ispirito ng ALAK ang kapiling niya.

Dumating na ang tren na sasakyan ko, namin siguro...

Patayo na ako nang hilahin niya ako paupong muli. Tinignan ko siya, nagtaka ako syempre. Pero hindi niya lang pala ako pauupuin, SINAMPAL niya pa ako. Kaya sumobra na ang pagtataka ko na halos humiwalay na si mukha ko.

"Walanghiya ka!" sigaw niya sa akin, bumukas na ang pinto ng tren at naglabasan na ang mga tao. "Panagutan mo ako!!!"

Bukod sa pamumula ng pisngi ko dahil sa sampal niya, namula ang buong pagkatao ko sa hiya. 'Tarantadong babae to,' isip-isip ko.

Sa isinigaw niyang iyon, maski mga insekto lumingon sa amin, nakatingin sa akin. At narinig ko ang mga bulong nila, hindi na pala bulong yon dahil naririnig ko, pasaring na pala ang tawag doon.

"Bubuntis-buntis hindi paninindigan..."

"Sana pinutok mo na lang sa banyo..."

"Nag-condom man lang sana..."

"Maraming pampalaglag diyan sa baba..."

"Malandi naman kasi yung babae..."

Narinig din niya yung 'Malandi' agad siyang tumayo at nilapitan yung babaeng nagsabi non, "hoy! Ikaw! Sa pangit mong yan, kahit lumandi ka pa, walang bubuntis sayo!"

Natahimik yung babaeng sinigawan niya, at mabilis na lumayo. Bumalik naman siya sa kinauupuan ko. At biglang umiyak.

Isinandal ko siya sa aking balikat para doon umiyak at nag-abot ako ng panyo. Gentleman pa rin, kahit sagad sa buto ang kahihiyang ibinigay niya sa akin.

I Miss You Like Crazy | cover