Chapter 24 - Just One Night
"Wala ang tatay mo... Pumalaot..." sabi sa akin ng kapitbahay namin sa Pangasinan.
Makalipas ang limang oras nakauwi rin si Tatay, "o, nabisita ka..." unang sabi sa akin ng makita niya ako, walang yakap-yakap, o kamusta man lang. Hindi naman kasi kami sanay na ganoon.
"Lumiban po muna ako sa trabaho," sagot ko sabay mano.
Sa hapunan, gustong-gusto ko nang itanong kay Tatay ang tungkol kay Ate Toyang, pero hindi ko alam kung paano ko sisimulan.
"Bumisita ako sa Nanay mo nung isang araw," nauna na siyang magsalita.
"Kamusta na daw po siya?"
"Ganoon pa rin, hindi pa rin makausap. Subukan mo kayang bisitahin, baka ikaw ang gustong makausap."
"Sige po, pupunta ako bukas," sagot ko, "Tay, si Ate? Anong naging sakit niya?"
"Bata ka pa kasi noon kaya hindi mo maalala... May tawag sa sakit niya eh, nakalimutan ko na... Alam ko nakasulat naman yon sa death certificate niya."
"Ano pong kondisyon niya noon?" usisa kong muli.
Nag-isip siya saglit, "dati, parati siyang nadadapa, tapos hindi na makapagsulat, hindi na siya makahawak, makakalad. Noong huli, hindi na siya nagsasalita. Bakit mo naitanong?"
"Wala po... Nagtaka lang po ako."
................................
Kinabukasan,
"Hi Ate..." bungad ko sa puntod ni Ate, nag-alay ng bulaklak, "kamusta ka na Ate? Nakikilala mo pa ako? Ako na si Apeng... Ang laki ko na 'no? Ga-graduate na ako..." buong pagmamalaki ko sa kanya, "Ate, nakakamiss ka, tayo, tayong pamilya. Ayoko na sana ikwento sayo ang naging lovelife ko sa Maynila, nadisgrasya lang eh... Hahaha..." dahan-dahan, tumulo ang luha ko, "Ate nakita ko yung Death Certificate mo, 'heart failure - muscular dystrophy complication' ang kinamatay mo...
"Hay... Ate masakit ba?... Mahirap ba?... Ate may sakit din ako... Hoooh... Ate natatakot ako..."
................................
"Teresita Dela Cruz po?" tanong ko sa nagbabantay.
Inilabas si Nanay at pinaupo sa harap ko.
"Sino ka?" tanong niya sa akin.
"Nay, ako na po si Apeng... Anak niyo po..."
"Kasama mo si Toyang?!"
"Kain tayo Nay..." paanyaya ko sa kanya, inilabas ko na rin ang mga dala kong pagkain.
Kumain naman siya, pero pilit niya pa ring hinahanap si Ate. Ipinagtabi pa nga niya ito ng pagkain, "itatabi ko na itong tilapya ha... Kay Toyang na lang ito..." habang kumakain siya ng paborito niyang hipon.
"Nay ito baboy oh... Ako nag-adobo niyan..." pagmamalaki ko sa kanya.
Hindi niya ito pinansin. Sinandukan ko siya ng baboy at inilagay sa plato niya, ngunit ibinalik niya rin ito.
"Wag na..." sabi niya.
"Ayaw niyo po ng baboy? Ako nagluto niyan..."
"Kay Japhet na lang yan... Bawal kasi yon ng isda saka hipon... Sasakitan ng tiyan yon... Kawawa naman siya..."
Nagulat ako sa sinabi niya. Napaiyak. Niyakap ko siya.
................................
"Tay, sabay na kayo sa pagluwas ko bukas ha... Graduation ko na kasi..." yaya ko kay Tatay.
Umiling siya, "may pinapagawa ang Ante Clara mo sa kanila, sira kasi bubong nila, eh nasa Maynila din si Tito Gustin mo kaya walang gagawa..."
"Tay graduation ko yon..."
"Pasensya na talaga anak..."
"Put*ng-in*ng bubong yan!"
Nagalit si Tatay, naitulak niya ako ng malakas, napaupo ako sa tabi ng hapag-kainan. "Ano?!" sigaw niya.
"Kayo pa ang may ganang magalit?! Tay ito lang ang hinihingi ko sa inyo... Pumunta lang kayo. Kahit sa huling pagkakataon. Tay grumaduate ako ng elementary at high school na sina Tita Joy ang nagsasabit ng medalya ko... Parati kong ginagalingan sa school kasi sabi ni Tito Mike kapag may medal daw ako, pupunta ka, ikaw magsasabit sa akin. Sabihin mo sa akin tay? Ni isang beses ba pumunta ka sa graduation ko? Di ba hindi?! Ni hindi mo nga ako binisita kayla tita simula nong pinaalagaan mo ako sa kanila eh!"
"Tay anak niyo rin naman ako... Hindi lang si Ate. Kailangan ko rin Tay ng Tatay! Ako na nga nagpaaral sa sarili ko para makapagtapos ako't ipagmalaki niyo rin ako. Tay! Anak niyo ako! Tatay ko kayo!"
Tumahimik ang buong bahay. Makalipas ang isang oras, umalis ako ng bahay, nag-iwan ng pera, drawing at mensahe. "Tay, ito yung direksyon kung paano makarating ng PICC."
No comments:
Post a Comment