08 September, 2010

I Miss You Like Crazy • 1

Chapter 1 - Even Though

"Mahal kita Andrew!!!" makabasag tengang sigaw ng isang babae sa Araneta Center-Cubao Station ng MRT. Alas-nuwebe y medya na nang gabi yon kaya siguro ganoon kalakas ang loob niyang ipahiya ang sarili.

Nakatayo siya, nakadungaw sa harap ng Araneta Coliseum, ako? Nakaupo ako. Tahimik na naghihintay ng tren, at tahimik na nakikiusyoso.

"Shit ka!!!" sigaw niyang muli bago umalis sa kinatatayuan at tumabi sa akin.

Ramdam na ramdam ko ang ispiritong kasama niya. Wag kang matakot. Ispirito ng ALAK ang kapiling niya.

Dumating na ang tren na sasakyan ko, namin siguro...

Patayo na ako nang hilahin niya ako paupong muli. Tinignan ko siya, nagtaka ako syempre. Pero hindi niya lang pala ako pauupuin, SINAMPAL niya pa ako. Kaya sumobra na ang pagtataka ko na halos humiwalay na si mukha ko.

"Walanghiya ka!" sigaw niya sa akin, bumukas na ang pinto ng tren at naglabasan na ang mga tao. "Panagutan mo ako!!!"

Bukod sa pamumula ng pisngi ko dahil sa sampal niya, namula ang buong pagkatao ko sa hiya. 'Tarantadong babae to,' isip-isip ko.

Sa isinigaw niyang iyon, maski mga insekto lumingon sa amin, nakatingin sa akin. At narinig ko ang mga bulong nila, hindi na pala bulong yon dahil naririnig ko, pasaring na pala ang tawag doon.

"Bubuntis-buntis hindi paninindigan..."

"Sana pinutok mo na lang sa banyo..."

"Nag-condom man lang sana..."

"Maraming pampalaglag diyan sa baba..."

"Malandi naman kasi yung babae..."

Narinig din niya yung 'Malandi' agad siyang tumayo at nilapitan yung babaeng nagsabi non, "hoy! Ikaw! Sa pangit mong yan, kahit lumandi ka pa, walang bubuntis sayo!"

Natahimik yung babaeng sinigawan niya, at mabilis na lumayo. Bumalik naman siya sa kinauupuan ko. At biglang umiyak.

Isinandal ko siya sa aking balikat para doon umiyak at nag-abot ako ng panyo. Gentleman pa rin, kahit sagad sa buto ang kahihiyang ibinigay niya sa akin.

No comments:

Post a Comment