Chapter 14
"Brylle... Gising na..." sigaw ni Clarisse habang kinakatok si Bry sa kanyang kwarto, "male-late na tayo..."
Agad namang bumangon ang binata't lumabas, "nakaligo ka na?" puna nito sa basang buhok ni Clarisse. Dumeretso siya sa kusina at doon nadatnan ang maiinit na puto. Kumuha siya ng isa't sinubo ng buo.
"Patay gutom?" pang-aasar ni Clang. Kumuha pa ng isa ang binata ng awatin siya ni Clarisse, "wag mong ubusin!"
"Sa dami nito sa tingin mo kaya ko 'tong ubusin? Anong gagawin mo sa mga yan? Andami-dami, ibebenta mo?" tanong ni Bry.
"Ibebenta ko."
"Saan?"
"Sa school..."
"Ano?!"
"Isu-supply ko yan sa canteen..."
"Cafeteria," putol ni Bry sa sinasabi ni Clang.
"Cafeteria... Ang arte, nagpaluto sila ng otsenta piraso, kaya lima lang pwede mong kainin dyan."
"Wow! May contract ka na kaagad don?! May pinagmanahan ka rin eh ‘no? Andami nito, anong oras ka gumising?"
"3..."
"Alas tres?! Hindi mo naman kailangan magnegosyo eh... Mayaman ka naman..."
"Tatay ko... Tatay ko ang mayaman... Hindi ako..."
"Kasama ka na don."
"Spoiled ka kasi kaya hindi ka marunong magsikap..."
"Nagta-trabaho ako 'no..."
"Anong trabaho? Magpa-cute? Ngumiti-ngiti kung saan-saan?"
"Ang yabang nito, cute naman ako ngumiti ha..." sabi ni Brylle sabay ngiti.
"Haaay... Dyan ka magaling..." sagot naman ni Clarisse sabay subo nito kay Brylle ng isang puto.
Kinatanghalian sa cafeteria,
Pang-umaga lang ang klase ni Clang, samantalang buong araw para kay Brylle.
"Oh pano? Aantayin mo na lang ako o mauuna ka ng umuwi?" tanong ni Brylle.
"Hindi ko pa alam kung paano umuwi eh, aantayin na lang kita..."
"Ay sus... May taxi naman..."
"Sabihin mo na lang kung ayaw mo akong kasabay 'no?!"
"Joke lang... Sige, text na lang kita kapag tapos na ang klase ko, siguro by 3pm out na kami, o sige, bye na ha..." sabay tayo nito.
"Bye..." paalam naman ni Clarisse.
Hindi pa nakalalayo ang binata, binalikan niya si Clang sabay bulong ng, "wag kang magkakalkal ng basura dito ha..."
"Siraulo..." asar na sabi ng dalaga, "pumasok na nga!"
Agad rin namang umalis ang binata matapos ang ilang pagkaway nito habang abala ang dalagang inililigpit ang baon nila na siya rin mismo ang nagluto.
"Sayang, kumain ka na..." sambit ng isang lalaki na biglang umupo sa tapat ni Clang.
"Terre! Anong ginagawa mo dito?" masaya nitong bati sa binata.
"Ah... Kinuha ko lang yung mga naiwan kong gamit sa locker, ikaw?"
"Dito kami nag-aaral ni Bry," sagot ni Clang na may halong pagmamalaki. Napalingon-lingon naman si Terrence, "may klase na si Brylle eh."
"Ah... Ikaw?"
"Halfday!" sagot naman ni Clarisse.
Nagyayang magkape si Terrence.
"Tapos na yung Board exam mo?" tanong ni Clang.
"Bar? Tapos na..."
"Bar pala, kamusta? Sigurado pasado ka..."
"Matagal pa malalaman... Puro na lang ako. Ikaw? Kamusta na kayo ni Brylle?"
"Makatanong ka naman, magpinsan kami."
"Paano ba kayo naging magpinsan?"
"Yung tatay niya kapatid ng asawa ng tatay ko..."
"Ng nanay mo?"
"Hindi, anak ako sa labas eh..." walang kaano-anong sagot ni Clang.
"Teka... Sabi mo, yung tatay ni Brylle ay kapatid ng asawa ng father mo which is not your mom, eh di hindi kayo blood related."
"Anong ibigsabihin?" tanong ni Clarisse, hindi niya kasi nasundan.
"Magpinsan kayo kung legitimate child ka, kung anak ka talaga ng father mo at step-mom mo, eh since anak ka lang naman ng father mo at hindi ng asawa ng dad mo na kapatid ng tatay ni Brylle, hindi kayo magkaano-ano..."
"Ano?" hindi talaga naintindihan ni Clarisse kaya minabuti nang i-drawing ni Terre ang simpleng family tree nila.
"Eto, ito yung father ni Brylle, tapos eto yung kapatid ng dad niya, yung asawa nitong kapatid ng father ni Brylle, tatay mo, eto ikaw, walang kahit anong kumukunekta sa inyong dalawa ni Bry," masusing pagpapaliwanag ni Terrence.
"Ahm... Hindi ko pa rin gets..."
No comments:
Post a Comment