Magkatabi lang si Brix at Warren sa loob ng sasakyan pero tila may pader na pumapagitna sa kanila. Saglit na sinilip ni Warren si Brix pero nakatingin lamang ito sa bintana ng sasakyan.
Lumipas ang buong linggo na tahimik lang si Brix, iwas siya sa ano mang pagkakataon na malapitan siya ni Warren.
................................
Maulan ang biyernes, at may kalahating oras na ring stranded si Brix sa waiting shed sa labas ng Library, nang may bumusina mula sa gilid niya.
"Sabay ka na daw sabi ni kuya," yaya ni Andrei.
Sinilip ni Brix si Warren, pero hindi ito nakatingin sa kanya.
Dalawang kanto na lamang bago mag-Canary street, pinigilan sila ng isang sidecar driver, "hindi na kayo makakapasok dyan... Baha..."
"Sige dito na lang ako Warren..." paalam ni Brix.
"Sa bahay ka na magpagabi," maigsing sabi ni Warren.
"Oo nga... Kesa lumusong ka dyan..."
Agad inatras ni Warren ang sasakyan nang tumumog naman ang CP niya, "hello? Lindsey..."
Napatingin si Brix kay Warren.
"Sige, kita na lang tayo bukas..." sabi nito bago ibaba ang CP.
................................
Kinatok ni Andrei si Brix sa kwarto nito, "kain na tayo..."
"Sige susunod na ako," sagot naman ni Brix.
Sabay-sabay silang kumain ng hapunan, nang matapos, agad naman iniligpit ni Warren ang kanilang pinagkainan. Samantalang si Andrei ay nagpaalam nang aakyat sa kanyang kwarto. Naiwan namang nakaupo si Brix sa hapag, mula doon, natatanaw niya si Warren habang ito ay naghuhugas ng plato.
Si Warren na ang bumasag ng katahimikan, "sinong tumatawag sayo?"
Tahimik lang si Brix, hindi niya alam kung hindi ba niya talaga alam ang sagot o nagkukunwari siyang nagkukunwari lang naman talaga siya.
"Hindi ko alam kung ano mismo ang nararamdaman mo, pero isa lang ang sigurado ako..." tumingin si Warren kay Brix, "malungkot ka."
Napatingin na rin si Brix kay Warren, "ayokong iniisip ng mga taong malungkot ako."
"Nakakalungkot talaga ang buhay mo..."
"Alam ko, kaya nga hindi ako malungkot eh."
Nakatalikod, nangiti si Warren sa narinig, "malungkot ka."
"Hindi." medyo pasigaw na sagot ni Brix.
"The fact na itinatanggi mong wala na sila nung ikinuwento mo sa akin reflects that denial ka sa pag-iisa mo."
"Architect ka... Hindi Psychiatrist."
"Nasa reality ka Brix. Hindi ito masamang panaginip."
Tumayo na si Brix at tumungo na sa hagdanan.
"Ikaw na mismo ang gumagawa ng paraan para maging mag-isa ka lang Brix. Sana hindi mo pinagtutulakang palayo ang mga taong gustong umunawa sa pag-iisa mo."
Katahimikan.
................................
Nakahiga na si Brix ng tumunog ang CP niya, si Warren, text message, "Bro, kung ano man ang problema mo, wag kang mahihiyang lumapit. Ano pa't naging buddy pa tayo?" Nangiti na lang si Brix sa nabasa.
No comments:
Post a Comment