Episode 3 - Misfortune
Gabi, walang tigil na nag-iiyakan ang dalawang bata, pilit silang ikinukubli ng kanilang ina sa kanyang likuran, itinatago sa kanyang nagwawalang asawa. Ilang buwan na itong ganito, lasing, simula nang makansela ang kanyang lisensya bilang isang pulis.
"Tama na Fred..." pakiusap ng nanay ng dalawang bata, "natatakot na ang mga bata..."
Imbis na pakinggan ang kanyang asawa, kamao ang tugon nito.
Nang mga oras na iyon, natauhan na ang babae na wala nang magbabago sa kanyang kasalukuyan, agad niyang niyakad ang mga bata papasok ng kwarto at ilang minuto lamang ay lumabas silang may dala-dalang mga bagahe.
Papalabas na ang mag-iina ng pinto nang harangin naman sila ni Fred, “saan mo dadalhin ang mga bata Cecille?!”
“Isasama ko sila!”
Agad dinampot na parang mga tuta ni fred ang dalawang bata, “hindi sila aalis!” sigaw nito.
Nagpupumulit pang lumapit si Cecille sa mga bata ngunit lubhang malakas si Fred na kasalukuyan siyang pinagtutulakang palayo. Ilang saglit lang, naitulak nang palabas ni Fred si Cecille, kasunod nito ang paghagis niya ng mga nito palabas ng kanilang bahay. Matapos noon, agad isinara ni Fred ang kanilang pinto.
Rinig na rinig mula sa labas ang pagtsi-tsismisan ng kanilang mga kapitbahay kasama na rin ang pagkalabog ni Cecille sa kanilang pintuan, bago matapos ang kanyang pagkalabog sa pinto, isang pangako ang iniwan niya, “babalikan ko kayo!”
Nang mga oras na yon, lumakas pa lalo ang iyak ng bunsong babae na lubhang nagpainit ng ulo ni Fred, binuhat nito ang bata at ikinulong sa banyo. Pagbalik niya sa salas kung saan naiwan ang panganay niyang lalaki, doon niya nakita ang kanyang anak na puno na ng galit.
Hawak-hawak ng pitong taong gulang na batang lalaki ang baril ng kaniyang ama. Nakatutok ito sa direkson kung nasaan ang kaniyang tatay, nakatutok sa ulo nito.
“Ibaba mo yan!” sigaw ni Fred, “hindi ako nakikipaglaro sayo! Isa!”
Nabingi na ang bata sa lahat ng kaniyang nasaksihan kanina.
“Dalawa!”
Humuhikbi man, bakas na bakas sa ga mata ng bata ang poot na nadarama sa kaniyang ama.
Kasabay ng putok ng baril, nilamon na lamang ng ingay nito ang huling isinigaw ni Fred, “WARREN!”
Pawis na pawis si Warren nang magising, nagising siya gawa ng ingay ng doorbell na malapastangang pinipindot ng kung sino man ang nasa baba, “wala ba si Andrei?” bulong nito sa sarili.
Agad siyang lumabas ng bahay at tinungo ang kanilang gate, ng buksan ni Warren ito, tila huminto ang pag-ikot ng kaniyang mundo.
Nakatayo, sa harap niya, ang kanyang ama, buhay, at di tulad ng kanilang huling pagkikita ang kaniyang ama naman ang may hawak ng baril na nakatutok naman sa ulo ni Warren.
Mapaglaro ang mga tingin ni Fred, “Kamusta ka na? Anak?”
Liwanag na lamang ang sumunod na nakita ni Warren.
................................
Bago lahat ng gamit sa bahay na ibinigay ni Iris, maging mga damit, meron na sa loob ng mga cabinet nito sa kanilang kwarto. Buong gabing nilibot ni Andrei ang buong bahay nang madako siya sa attic nito, namangha siya sa kanyang nakita.
................................
Maging si Brix ay nagulat sa mga nangyari, nakalimutan niyang i-off ang flash ng kanyang camera phone. Ito ang naging dahilan upang mawakasan ang bangungot ni Warren. Agad namang naitago ni Brix sa kanyang likuran ang kanyang CP bago pa man lubusang ibuka ni Warren ang kanyang mga mata.
“Kanina ka pa?” tanong ni Warren.
“Ha?... hindi…” iling ni Brix, napansin niyang pinagpapawisan si Warren, “mainit ba? Lalakasan ko yung aircon…”
“Hindi na… Kailangan ko na ring umuwi, walang kasama yung kapatid ko sa bahay… Babalik na lang ako bukas…” paalam ni Warren.
“Teka, dalhin mo na ‘tong sandwich na ginawa ko…”
Tumanggi man si Warren, nagpumilit si Brix na ipadala ito sa ka-buddy, wala nang nagawa si Warren nang maibalot na ito ni Brix at nailapag sa passenger’s seat sa sasakyan ni Warren.
Nang makaalis na si Warren, pumasok ng bahay si Brix na may di maipaliwanag na kasiyahan.
Nang marating muli ni Brix ang kaniyang kwarto, umupo ito sa kanyang kama, tinanaw niya mula rito ang kaniyang study table kung saan nakita niya si Warren na natutulog, napangiti siya’t napahiga sa kama, nang saglit ay, naalala niyang nakuhaan niya ng litrato ang ka-buddy.
Agad niyang dinukot ang kaniyang CP sa kanyang bulsa at tinignan ang larawan ni Warren habang natutulog. Matamis na ngiti na lamang ang naging tugon nito.
No comments:
Post a Comment