01 August, 2011

u2me2! • 10

Chapter 10

"Antindi ng trip mo ha... Hindi ka pa giniginaw?" tanong ni Brylle sa katabi.

"Hindi pa... Ikaw?" balik na tanong naman nito. May kalahating oras na silang nakahiga sa rooftop ng hotel, pinapanood ang snow na bumuhos sa dilim ng gabi.

"Ako? Hindi rin," biglang sagot naman ni Bry.

"Maniwala..." bigla niyang hinawakan ang kamay ng binata, "bakit anlamig ng kamay mo?" tawa ni Clarisse.

Nabigla man si Brylle sa ginawa ni Clang, ikinasiya rin ito ng kanyang damdamin, "baka magalit si Terrence sa akin..." sabay tingin nito sa katabi.


Tumingin rin ang dalaga kay Brylle at saglit ay tumingin namang muli sa langit, "joke lang yun... Tara na..." sabay bangon mula sa pagkakahiga.

Hinigpitan pa ng binata ang pagkakahawak sa kamay ng dalaga, "let's stay for a while..." pigil nito sabay hila nito kay Clang pahigang muli, pero iba sa normal nilang pagkakahiga kanina, paikot nitong ipinuwesto ang kanyang kamay. Nagsilbing dantayan ng ulo ni Clarisse ang braso ni Brylle.

Matapos ang kalahati pang oras bumalik na sa hotel room ang dalawa,

"Haaa... Chooo..." biglang pagbahing ni Clarisse.

"Yuck! Pwede ba? Sawang-sawa na ako sa laway mo!" pang-aasar ng binata.

"Grabe ka..."

"Kasalanan ko ba? Ikaw ang may gusto no'n di ba?" tukoy nito sa kanina nilang paghiga sa rooftop, "huy, tumutulo na yung sipon mo..." turo ni Brylle sa uhog ng dalaga sabay tawa.

Agad naman itong pinunasan ng tissue ni Clang, "gusto mong tikman?" sabay harap nito ng gamit na tissue kay Bry.

"Kadiri ka!" biglang tayo ni Brylle sa sofa, "ang baboy mo!" takbo pa nito.

Hinabol naman siya ng dalaga, "halika rito! Oh..." habang hawak pa rin ang gamit na tissue. Matapos ang ilang minutong habulan at sigawan, na-corner na ni Clang si Brylle.

"Clarisse! Tigilan mo ako ha! Clarisse!!!"
•••

Sa Pilipinas,

"O di ba? Pictures pa lang ng dalawa may chemistry na sila di ba?" presenta ng TV host sa magkahiwalay na litrato ni Sophie at Brylle, "I'm sure you want to hear more about this cute guy, he's currently studying to be a doctor at a very well known school, next to his father who's also a doctor. At bukod sa commercials, nag-ramp modeling na rin siya sa maraming brand ng men's apparel."

"Andami na palang nagawa ni Brylle 'no?" sabi ni Nene.

"Opkorz... Very talented kaya si babe ko..." sagot naman ni Froi.

"Pangangatawanan mo talaga?"
•••

"Haa... Chooo..." biglang pagbahing ni Brylle.

"Haa... Chooo..." bahing naman ni Clarisse.

"Ano? Magsasagutan na lang ba tayo ng sneezing dito?"

"May noodles pa ako d'yan... Gusto mo?"

"Noodles... Tara labas tayo! Ayoko ng noodles..." reklamo ni Bry. Agad naman silang lumabas ng hotel para kumain.

Pagkatapos kumain naglakad na lang pauwi sila Clang.

"So, ano-anong mga pinaggagagawa mo habang wala ako?" pambungad na tanong ni Brylle.

"Ay sus... Halos tatlong araw lang tayong hindi nagkita, miss mo na ako kaagad," tawa ni Clarisse.

"Paano kung sabihin kong na-miss nga kita?" seryosong tanong ng binata habang nakatingin kay Clang.

Natahimik ang dalaga at napatingin kay Bry, sabay silang napahinto sa paglalakad. Nangungusap ang kanilang mga mata, hanggang sa mabangga ng isang lalaking dumaraan si Clang at mapayakap sa binatang handang sumalo sa kanya.

Hindi na nagawang maitago ni Brylle ang nararamdaman, "Clarisse..."

Kumakabog ng malakas ang puso ng dalaga, inaabangan ang mga sasabihin pa ng binata.

Hindi pa rin sila humihiwalay sa kanilang pagkakaakap sa isa't-isa. Nagdaanan ang napakaraming tao sa paligid ng dalawa habang sila, walang pakealam sa oras na lumilipas.

"Clarisse..." muling tawag ni Brylle sa pangalan ng dalaga, "may gusto ka pa ba sa akin?" tanong nito. 'Palpak...' bulong nito sa sarili.

No comments:

Post a Comment