08 June, 2012

next to you • 1



Chapter 1

Gusgusing bata... Hala sige, iduldol mo pa sa mukha mo yang ice cream... Ice cream sa kamay, sa pisngi, sa ilong, sa baba, grabe... Ngayon ka lang ba nakakain ng ganyan? Pinagtitinginan na tayo ng mga tao, baka pwedeng umayos ka naman?’ napangiti na lamang si Julianne habang pinapanood ang kasama na abalang kumakain ng ice cream, saglit ay biglang huminto ang binata, inalis na ang apa sa kanyang mga labi.

Tahimik lang na nakikipagtitigan ang binata sa kasa-kasamang dalaga, hawak pa rin ang cone na kanina lang ay punong-puno ng malamig at masarap na bagay na tinatawag nilang ‘ice cream.’

Nag-aalala si Julianne sa biglang inaasal ng binata, masayang masaya ito kanina nang kainin niya ang ice cream ng ibang tao, mas lalo na nang ibili na siya nito ng sariling makakaing sorbetes.

 Seryoso siyang nakatingin kay Julianne nang sa wakas ay magsalita na siya, “Yanie...” tawag nito sa dalaga nang alisin na niya ang titig nito at ibinaling sa apa na kanyang hawak, “ubos na...” malungkot nitong sabi.

‘Seriously? Ano ka isip-bata?’ bulong nito sa kanyang sarili, “nakakain rin ‘yang hawak mong apa...”

Gumuhit muli ang inosenteng ngiti sa labi ng binata, “talaga?!”
◥◤◢◣

Iniabot ni No. 04 ang tracker kay No. 37 bago siya ikinulong sa isang malaking glass tube, mabilis na naghanda ang mga kalalakihang nasa paligid ni No. 04, bilang Governor ng Fifth City na naka-locate sa pinakaibabang parte ng Third Star, sa kanila naka-atas ang pinakamatinding gawain, ang bumalik sa nakaraan at kumuha ng Aphrodite. “Whenever you’re ready...” banggit ni No. 04 na kahit hindi ito rinig ni No. 37 sa loob ng salamin ay naintindihan niya ang binigkas nito.

Pinagmasdan ni No. 37 ang tracker, “No.5:v.35,” ang unang numero ay ang tatak kung saang City galing ang teknolohiya, at ang huli ay ‘Version,’ kung pang-ilang beses na itong nagawa. Kadalasan ay may gumigitna pang numero under ‘I,’ o ‘Item,’ pero sa Fifth City, iisa lamang ang pino-produce nila, kaya hindi na mahalaga ang ‘I.’

Sa pagkakataong ito ang magsasagawa ng misyon ay si ALPHA No. 37. No. 37 tanda ng kanyang pagkakakilanlan, ALPHA dahil siya ang unang ipinadala ng Third City. Isa si No. 37 sa mga huling gumawa ng tracker, kaya alam niya kung paanong sa isang finger print scan lang ay maaaring maglaho siya sa Third Star, at palitan siya ng sarili niya. Namaalam si No. 37 sa pamamagitan ng isang pagtango kay No. 04 at sa mga nakasama nito sa Fifth City, at sa isang iglap nawala na siya sa paningin ng lahat.

Taranta na ang mga kalalakihan ng Fifth City sa mga nangyari, alam ni No. 04 na may mali sa mga nangyari. Sa loob ng apat na oras kailangang mahagilap nila ang eksaktong oras at lugar na kinahinatnan ni No. 37, isang bagay na hindi nai-feed ng tracker sa system ng Fifth City, dahil kung hindi, magpapadala na ang Third City ng BRAVO No. 37.
◥◤◢◣

"Anlakas pa rin ng ulan..." nakatayo si Julianne sa harap ng isang convenient store, kanina pa siya rito umaasang kahit papaano'y humina ng kaunti ang pagbagsak ng ulan. Narinig na lamang niya mula sa lumabas na lalaki sa tindahan na ito ang umpisa ng tag-ulan, magandang pambungad, malakas na ulan sa dilim ng gabi. "Hinihintay na ako ni Cholo..." sinuong na niya ang ulan hawak ang payong na inaasahan niyang magtatanggol sa kanya mula sa pagkabasa.

Madilim ang paligid na kinatatayuan ni No. 37 nang bigla siyang may marinig na kung ano mang bagay na hindi humihinto sa pandinig. Sa wakas ay lumiwanag, pero wala siyang makita nang bulagin siya ng ilaw. May narinig na bago ang binata, pero hindi siya pamilyar kung ano ang kasabay sa mga hiyaw ng mga tao. Mas mataas ang kinatatayuan ni No. 37 kesa sa mga taong kanyang nasa harapan, andito siya para sa kanyang misyon, agad niyang inangat ang kanyang kamay hawak ang No.5:v:35, ini-scan ang lupon ng mga tao umaasang mahanap ang Aphrodite. Wala.

Tinalon ni No. 37 ang entablado at patuloy na itinatapat sa mga tao ang hawak na tracker nang bigla siyang hawakan sa balikat ng isang lalaki, "hindi ka taga-rito..." sabi nito, pinadausdos nito ang kamay hanggang sa dibdib ni No. 37, "you're wearing a very tight jumpsuit, gwapo ka, you amazed my customers habang nakatayo ka sa stage kanina, you're interesting..." putol nito sa sinasabi nang tabigin na ng binata ang kamay nito.

"Hinahanap ko ang Aphrodite, maiwan na kita," paalam nito sa lalaki.

Hinabol ng lalaki si No. 37 at may isinuksok sa bulsa ng pang-ibaba ng binata, "that's my calling card, give me a call kapag hindi mo nahanap ang Aphrodite ng buhay mo..." tawa nito bago tuluyang nilubayan si No. 37.

Wala pa ring tigil ang ulan at basa na ang ibabang kalahati ng pantalon ni Yanie, may nadaanan siyang binatang nakasuot ng weird na damit, fit na fit ang damit nito na parang suot ng mga bida sa mga sci-fi films, "weirdo..." bulong ni Yanie nang marinig niyang tumunog ang hawak ng lalaki pagkalampas na pagkalampas niya.

"Aphrodi..." tanging nasabi ni No. 37 nang daanan lang siya ng kanyang pakay, paalis na siya nang mapansin niyang may kakaiba sa paligid, may likidong nahuhulog mula sa itaas, patak-patak, napakarami, inamoy niya saglit ang paligid at siniguradong hindi ito nakalalason. Sinuong niya ang mga likidong nahuhulog mula sa itaas at sinundan ang Aphrodite.

Malalaki at mabilis ang bawat hakbang ni Julianne, alam niyang may sumusunod sa kanya at alam niyang kailangan niyang iligtas ang sarili, 'kalma lang, marunong ka ng Judo, kaya mong depensahan ang sarili mo...' bulong nito sa sarili.

Nakasunod lang si No. 37, walang tigil sa pagtunog ang tracker, 'siya ang Aphrodite...' hinawakan na niya ang pakay.

Mabilis ang naging reaksyon ni Yanie, kasabay ng pagbagsak ng payong na kanina lang ay hawak niya ay ang pagbalibag nito sa lalaking biglang humawak sa kanyang balikat at ang gamit ng binata na kanina pa tumutunog ay unti-unting nawawalan ng boses habang nalulunod sa dumadaloy na tubig ulan sa gutter.

No comments:

Post a Comment