26 September, 2011

lobo +backstory

+backstory

Bumaba ako mula sa schoolbus, pansin na pansin na ang padilim nang langit. Sinundo ako ni Mama sa gate at sinamahang pumasok, “Hello Gordon!” bati ko sa malambing naming aso.

“Lance…” tawag sa akin ni Mama, saglit ay tinignan niya ako bago hawakan ang aking mga kamay at itinali rito ang pisi ng isang puting lobo, kinuhang muli ni Mama ang pansin ko nang sabihan niya akong nasa balcony si Lauren.



“Si Kuya? May sakit pa?” tanong ko.

“Andoon sila sa taas…” ngiti ni Mama.

Bigla akong bumitaw, agad na pumasok sa bahay at umakyat sa hagdanan, doon ko nakasalubong si Kuya suot-suot ang kanyang salamin, hindi ko maintindihan ang tingin niya sa akin, tinawag ako ni Lolo na noon ay nasa balkonahe na. Iniwan ko si Kuya at tumakbo pa patungo sa kinalalagyan ni Lolo.

“Baby oh… May lobo ako…” pagmamalaki ko kay Lauren na nakahiga sa stroller.

“Lance, dito ka lang ha, bantayan mo si Lauren…” paalam ng Lolo sa akin bago siya umalis.

Pinanood ko lang si Lolo na mawala sa likod ng kurtina. Tinanggal ko ang pagkakatali ng lobo sa aking kamay at inihawak sa kamay ni Lauren, “oh…” at pinanood ang mga ngiti ni Baby dahil sa pagkamangha sa lumilipad na bagay, “kakanta tayo ha…”

“Ako ay may lobo, lumipad sa langit… Di ko na nakita, pumutok na pala…” napatigil ako saglit nang makita ang imahe ni Kuya sa likod ng kurtina, pero agad rin akong bumalik sa pagkanta nang tumawa si Lauren na nagpangiti naman sa aking mga labi, “Sayang ang pera ko, pinambili ng lobo… Kung sa pagkain sana, nabusog pa… Tayo…”

Nagpatuloy lang sa mahinang pagtawa si Baby Lauren nang biglang lumipad ang puting lobo. Sinundan ko ito ng tingin hanggang sa lumapat ito sa dulong bahadi ng kisame. Tumuntong ako sa malaking paso sa gilid ng harang at umakyat sa barandilya. Dahan-dahang nilalapitan ang aking lobo, ingat na ingat sa bawat hakbang. Nahawakan ko na ang dulong tali ng lobo nang bigla ay may tumulak sa akin. Kadiliman.

Tahimik lang na tinititigan ng bata ang ibaba ng balkonahe, hinubad niya ang kanyang salamin at inihulog ito sa ibaba, sinisilayan ang panganganinag ng kanyang sarili sa batang nakabulagta sa sahig. Tapos sumigaw si Mama, “Luis!” habang mabilis na tumatakbo patungo sa kinalalagyan ng kalunos-lunos na duduang si Lance.

“Luis!” sigaw ni Lolo na nakita ang buong pangyayari ngunit agad nanikip ang dibdib nito kaya’t huli na ng makapagsalita ito. Unti-unti ay bumabagsak si Lolo mula sa kanyang kinatatayuan.

“Hindi ako si Luis! Ako si Lance! Ako si Lance!”

Saglit ay dumating na rin ang Ama ng mga bata, ang lahat ay nasa ospital, parehong kritikal ang lagay ng dalawa.

“Papa… Si Kuya…” banggit ni Luis.

“Luis…” yakap nito sa bata.

“Papa… Ako si Lance…” makulit nitong sabi sa ama, narinig rin ito ng Mama ng mga bata.

Lumapit ang nanay ng bata at hinaplos ang kamay nito, “Luis…”

Matigas na binawi ng bata ang kanyang kamay, “Ako si Lance! Ako si Lance!”

No comments:

Post a Comment