25 September, 2011

Lobo

“Ako ay may lobo, lumipad sa langit. Di ko na nakita, pumutok na pala…” masiglang pag-awit sa akin ng isang bata, nakahiga ako alam ko, at sa pwesto ko wala akong ibang nakikita kundi ang batang lalaki, ang puting lobo at ang off-white na kisame. “Sayang ang pera ko, pinambili ng lobo. Kung sa pagkain sana, nabusog pa… Tayo…” pagtapos niya sa kanta, tumawa siya, tumawa rin ako. Nang biglang lumipad palayo ang lobo at kasabay nito ay ang pag-alis ng batang lalaki. Tapos may sumigaw.

Alas dos, nagising na naman ako nang dahil sa panaginip na ‘yon. Hindi na bago sa akin ang pagtayo mula sa pagkakahiga tuwing dadalawin ako ng wirdong panagip. Lobo. Bata. Sigaw. Tatawa-tawang bababa na lang ako mula sa aking kwarto patungo sa kusina para uminom ng tubig, sa ganitong paraan makakatulog na akong muli pagkaakyat kong muli sa aking silid. Tinuturing ko nang sleeping pills ang malamig na tubig sa gabi-gabing pagkakaputol sa aking pagtulog.


●ǪΦǪ●

“Ako ay may lobo, lumipad sa langit…” mahina kong pagkanta.

“Lance…” tawag sa akin ni Mama, “don’t play with your food…”

Sabay-sabay kaming nag-aagahan nang, “may mga plano ba kayo ngayong summer?” tanong ni Papa sa aming dalawa ng kapatid kong bunso na si Lauren.

Umiling lang ako pero si Lauren, siya ang nagprisinta, “di ba kaka-graduate lang ni kuya Lance from high school,” sabay tingin sa akin, “magbakasyon tayo sa bahay ni Lolo sa Batangas…”

Natigil si Mama sa pagkain, “sa rest house?” madiin nitong tanong.

Ang rest house, ang bahay na kung tutuusin ay hindi ko pa nakikita, I can’t even paint a picture in my mind of that rest house. Oo nakapunta na ako doon, 16 years ago? I was still a baby then, pero kahit hindi ko pa ito nakikita laman naman ito ng usapan nila Mama tuwing pag-uusapan ang pagbenta sa bahay ng Lolo. And how weird everything gone whenever someone’s eyeing the property, andyan na yung biglang magba-back-out, malas daw sabi sa Feng Shui, at pinaka-weird last minute, magbabayaran na lang inatake pa sa puso ang buyer. Ganoon siguro kaayaw ng kaluluwa ni Lolo na ibenta ang bahay niya sa Batangas.

“We’re not going there,” muli, matigas na sagot ni Mama. Pero sa wakas, nagkaboses na si Papa.

“It’s been 16 years, maybe…”

“I’m not going!” sigaw ni Mama sabay pagtayo nito.

Weird. Pero for 16 years na pagtatalo nila patungkol sa bahay na iyon, hindi na bago yon, hindi na weird. Lifestyle nang maituturing ang pag-aaway nilang dalawa. Kung bakit ayaw pumunta ni Mama sa bahay ng Lolo, hindi ko alam, ilang beses ko nang tinanong pero parating sagot lang ni Papa galit lang daw si mama sa Lolo. Hindi ko malaman kung pasok pang dahilan yon dahil labing-anim na taon na ring nananahimik si Lolo.

Imbis na sundan ang Mama, pinabayaan na lang ni Papa ito sa pagmamatigas nito, “wag niyo na siyang pansinin, wala naman nang magagawa yun kung andoon na tayong tatlo di ba? Sigurado namang susunod din yon.”

“So, were going?” tanong ko.

“I can’t make it ‘til tomorrow, I still have things to do sa office…” kj na sagot ni Papa, “pero pwede naman na kayong mauna doon ni Lauren, magpahatid na lang kayo kay Kuya Dante. Ano, tomorrow?”

“Bukas?!” masayang tanong ni Lauren.
●ǪΦǪ●

“Ako ay may lobo, lumipad sa langit. Di ko na nakita…” pag-awit ng isang batang lalaki nang biglang,

“BEEP!!!” nagising na lang ako sa mga malulutong na murang sinambit ni Kuya Dante na katabi ko sa harapan ng kotse, nasa harap namin ngayon ang isang matandang lalaki na may hawak na kumpol ng mga lobo. “Sino ba namang tanga ang bibili ng lobo sa gitna ng kalsada?!” sigaw pang muli ng aming driver.

Walang imik ang matanda, nakatayo lamang siya, nakatitig sa kotse, at sa tingi ko, sa akin. Ang kanyang tingin, nakakapangilabot. “Weirdo…” sambit na kapatid kong nasa aming likod ni Kuya Dante.

“Kuya, sa kabilang lane na lang tayo,” payo ko. Ilang saglit lang dinaanan namin ang matanda, walang pagbabago sa kanyang pagkakatitig, sa akin nga siya nakatingin. Pawala na siya sa sakop ng aking paningin nang agawin niya itong muli, binitiwan niya ang mga lobo. Weird.
●ǪΦǪ●

Matapos ang mahabang biyahe narating din namin ang bahay, sa labas makikita mo ang ganda at laki ng dating tahanan nila Mama. Kahit luma ang itsura nito, dalang-dala pa rin nito ang Spanish Era sa makabagong panahon kahit na ang ilang kalapit na bahay ay may modernong istilo. Nakakapagtakang inaayawan ng mga buyers ang bahay.

“Wow…” ang tanging nasabi na lang ni Lauren pagkababa ng sasakyan.

Nauna nang pumasok sila Kuya Dante na pumasok sa bahay, nakasunod lang rin naman ako pero malaki ang pagkakalayo ng aming paglakad. Natigil na lang ako ng biglang may kumahol na aso sa pinto ng bahay, kanina pa pala siya naroon, hindi ko mapapansing nakahiga lang siya roon kung hindi pa siya tumahol. Pero nakapasok na sila Lauren sa loob, si Kuya Dante ok lang na hindi siya tahulan ng aso dahil buwan-buwan naman siyang narito para abutan ng pera sila Auntie Helen pero si Lauren? Hindi sila sabay pumasok, pero bakit hindi kinahulan si Lauren?

“BASTY!” sigaw ng isang matandang babae, “SHU!” taboy pa nito sa aso sabay balik ng tingin sa akin, “Lance? Ikaw na ba yan? Anlaki mo na ha…”

Agad naman akong lumapit at nagmano, “kayo po so Tita Helen?” pagtango na lang ang sinagot niya sa akin, “pasensya na po, ngayon ko lang po kasi kayo nakita…” ngingit-ngiti kong depensa. Pumasok kami kaagad ng bahay at itinuro niya sa akin ang magiging kwarto ko sa ikalawang palapag.

“Magpahinga na muna kayo, malamang napagod kayo sa kotse… Kakatukin ko na lang kayo mamaya kapag nakahain na…”dagdag na sabi ni Auntie Helen bago bumabang muli.

Nahiga ako sa kama, pagod.
●ǪΦǪ●

“Ako ay may lobo, lumipad sa langit. Di ko na nakita, pumutok na pala…” masiglang pag-awit sa akin ng isang bata, bigla siyang umalis, huminto ang pagkanta. May sumigaw. Ang lobo, hindi na siya kulay puti, parang may kung anong pulang bagay ang pumapaloob na dito. Bumalik ang bata. Pumutok ang lobo. Pula.

Idinilat ko na ang mga mata ko, hanggang dito ba naman hindi pa rin ako tatantanan ng panaginip ko? Bumangon ako at biglang napatalon sa gulat.

“Grabe ka! Papatayin mo ba ako sa gulat?!” sigaw sa akin ni Lauren habang nagkakalkal sa gamit ko na nasa lapag.

“Ako nga tinakot mo eh…” reklamo ko, “ano bang hinahanap mo?”

“Naiwan ko kasi yung charger ko, hihiramin ko lang sayo…”

“Hihiramin? Nagpaalam ka ba?” pambabara ko sa kapatid ko.

Lumabas ako ng kwarto para uminom ng tubig, pababa na akong nang may marinig ako sa may balcony na nasa tapat lang ng hagdan. Lumapit ako at nakita ang isang batang naka-school uniform umiiyak sa likod ng kurtina, umupo ako sa sahig katabi niya para tanungin kung bakit siya umiiyak. Tinignan niya ako saglit at tumingala. Sinundan ko ang kanyang tingin, isang lobo na nasa dulong kisame ng veranda, “teka, kukunin ko,” sabay na kaming tumayo, “OK, saglit ha…” tumuntong ako sa malaking paso sa gilid ng konkretong railings ng balkonahe, mabuti na lang hindi niya naisipang tumuntong dito at baka madisgrasya pa siya. Pagkatuntong ko ibinalik ko ang tingin sa bata, wala na siya, tumingala ako, wala na rin ang lobo. ‘Baka nilipad na, tsk… Baka umiyak pa lalo yun ha…’ Nakita na naman ako ng aso sa baba, walang tigil na naman niya akong kinakahulan.
●ǪΦǪ●

“Ako ay may lobo, lumipad sa langit. Di ko na nakita,” weird, kinakanta ko na siya ngayon, hindi sa panaginip, sa banyo habang naliligo, “pumutok na pala…”

Pagkatapos maligo, agad ay bumaba ako para kumain. Niyaya na kami ni Auntie na kumain pero nagsabi naman ako na maliligo na muna ako.

“Sayang, tulog na yung pinsan niyo, napagod ata sa paglalaro nila ni Lauren, hindi mo siya tuloy nakita Lance,” kwento ni Tita Helen.

“Ah… Anak niyo po pala siya… Gwapo ho ah…” sagot ko.

Natigilan si Tita Helen, gayun din ang kapatid ko na nasa aking tabi.

“Bakit po?” pagtataka ko.

“Babae yung anak ni Tita…” bulong sa akin ni Lauren.

“May nakita kang batang lalaki?” tanong sa akin ni Tita.

Nagkatinginan muna kami ni Lauren bago ako sumagot, “kanina po, sa balcony…”

“Wala kang nakita,” bigla niyang sabi, “wala kang ikukwento,” dagdag pa niya, “wala kang narinig Lauren. Wala kayong ikukwento sa Mama niyo.”

Weird.
●ǪΦǪ●

“Bakit ganun? Ang weird ni Tita?” tanong ni Lauren, “may bata ba talaga?”

“Hindi rin ako sigurado…” sagot ko para matigil na lang siya sa pangungulit.

“Hindi sigurado? Ano yun? Nananaginip ka lang?”

“Baka.” Pero hindi, alam kong hindi, “bumalik ka na nga sa kwarto mo!” sumunod naman siya kaagad. Mag-isa na akong muli.

Yung bata? Sino siya? Bakit ganoon na lang kung makasagot si Auntie? Weird.
●ǪΦǪ●

“Ako ay may lobo, lumipad sa langit. Di ko na nakita, pumutok na pala…” masiglang pag-awit ng isang batang naka-uniporme na nakatayo sa harap ng isang stroller, sa loob nito ang dulong tali ng lumulutang na puting lobo, “Sayang ang pera ko, pinambili ng lobo. Kung sa pagkain sana, nabusog pa… Tayo…” pagtapos ng bata sa kanta. Tumawa siya na tila nilalaro ang sanggol na nasa loob ng stroller. Lumipad ang lobo at lumapat sa kisame, sa off-white na kisame, sa dulo ng off-white na kisame. Tumuntong ang bata sa paso para makaakyat sa railing ng balkonahe. Balkonahe. Lumingon ako, inalis ang tingin sa batang lalaki. Tapos may sumigaw.

Nag-iingay na naman ang aso sa labas, anong oras na ba? Alas-tres. Grabe, ilang oras na lang sisikat na ang araw hindi niya pa hinintay. Lumabas ako ng kwarto para uminom ng tubig, baka sakaling makatulog akong muli katulad kapag nasa bahay ako sa Manila.

Paakyat na akong muli galing sa kusina nang maalala ko ang balkonahe, huling hakbang sa hagdan, may nakita akong anino sa kurtinang nakakabit sa pintuan ng balcony, ‘Lauren?’ tanong ko sa aking isip.

Pagkahawi ko ng kurtina tila ba nagbago ang kulay ng paligid. Nasa harap ko ang stroller. Lumapit ako at nakita ang isang baby. May dumating na batang naka-uniform na may dalang puting lobo.

“Baby oh… May lobo ako…” pagmamalaki nito habang nakasilip sa stroller, inihawak niya ang kamay ng sanggol sa tali ng lobo at kumanta, “Ako ay may lobo, lumipad sa langit. Di ko na nakita, pumutok na pala… Sayang ang pera ko, pinambili ng lobo. Kung sa pagkain sana, nabusog pa… Tayo…” tumawa niya, nginitian naman siya ng sanggol.

Lumipad ang lobo. Nahawakan ko ang tali, nahawakan ko, pero lumipad pa rin ang lobo na tila ba tumagos lang sa kamay ko.

Umalis ang batang lalaki at tumuntong sa paso ng halaman sa gilid ng railings at umakyat pa rito para kunin ang lobo. Nilapitan ko siya para alalayan nang mapalingon ako nang may dumating na matandang lalaki tapos biglang may sumigaw sa baba, babae. Si Mama.

Ibinaling ko ang tingin sa stroller, wala na ang stroller. May nakatayo nang matandang lalaki, lumapit siya sa railings, nagkatinginan sila ni Mama, may hawak si Mama, bata, naka-uniporme, duguan. Nawalan ng malay ang matanda.

Kumahol ang aso, tapos na. Nakaharap ako ngayon dilim ng gabi. Nakatayo sa ibabaw ng barandilya ng balcony. May hawak na lobo. Tahimik. Tapos may kumalabog. Ako. Nakahandusay ako ngayon sa sahig, may masakit, pero wala akong nararamdaman. Unti-unti nawawala ang higpit ng hawak ko sa tali ng lobo. May naririnig akong naglalakad papalapit sa akin, saglit ay nakita ko na ang paa niya, paa ng bata. Nabitiwan ko na ang lobo. Kadiliman.

Dumilat na ako. Off-white na kisame, dextrose, masakit na ulo.
●ǪΦǪ●

“Ako ay may lobo, lumipad sa langit... Di ko na nakita, pumutok na pala… Sayang ang pera ko, pinambili ng lobo… Sa pagkain sana, nabusog pa tayo…” pag-awit ni Lauren habang nakupo sa railings ng balkonahe, katabi ang bata nang hindi niya namamalayan.

No comments:

Post a Comment