27 October, 2011

Pulang Kandila


“Kaya ko ‘to,” bulong ng isang dalaga sa kanyang sarili habang nakaharap sa salamin sa loob ng palikurang pambabae sa kanilang eskwelahan. Dis oras na ng gabi pero nanatili siyang mag-isa para gawin ang isang orasyong iilan lamang ang may lakas ng loob na gawin. Dinampot niya ang pulang kandila na nakapatong sa lababo, huminga ng malalim pampawi sa matinding kabang nadarama bago tuluyang sindihan gamit ang posporong nasa kanyang blusa.
Dahan-dahan siyang pumikit at kinapa ang switch ng ilaw sa tabi ng malaking salamin. Patay na ang ilaw, ang mapula-pulang liwanag habang siya’y nakapikit ay tuluyang naging itim. Wala na siyang nagawa kundi mapalunok kahit tuyong-tuyo naman ang kanyang bibig at lalamunan.
Nanatili siyang nakapikit at sinimulan na ang pag-ikot sa kanyang kaliwa, “Bloody Mary…” unang ikot.
“Bloody Mary…” pangalawang ikot.
“Bloody Mary…” pangatlong ikot.

“Bloody Mary…” pinagpatuloy niya ito hanggang sa pang-anim na ikot, nang biglang umiihip ang malamig na hangin mula sa kanyang kaliwa. Napahinto siya saglit pero hindi pa rin siya dumilat, “wag kang didilat,” bulong nito sa sarili. Pinagpatuloy niya ang ritwal hanggang sa pang-labing-isang pagtawag nang makarinig naman siya ng langitngit mula sa kanyang likuran, “kapag nasimulan mo na ang orasyon, kailangan mo itong tapusin,” ala-alang tumakbo sa kanyang isip, sinabi ito ng mga taong nag-udyok sa kanya na gawin ito.
“Bloody Mary…” ikalawa sa huling pag-ikot. “Bloody Mary…”
Tapos na. Nai-hinga na niyang palabas halos lahat ng hangin na nasa kanyang baga. Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata at,
+
“AT?!” pasigaw na tanong ni Ella kay Jeremy.
“Wala nang nakakaalam kung anong nangyari pagkatapos,” sagot naman nito.
“Anong nakita niya pagkadilat niya?” tanong naman ni Charlene.
“Wala ring nakakaalam…” sagot muli ni Jeremy.
“Eh anong nangyari doon sa babae?” tanong naman ni RJ.
“Sabi nabaliw daw, kwento ng iba namatay o nagpakamatay…” puto na sagot ng binata nang biglang may bumatok sa kanya.
“Nagpapaniwala kasi kayo dito kay Jemoy eh, kanina pa kayo inu-uto niyan,” biglang sabi ni Majo na kararating lang sa cafeteria, “teka, ano ba yang pinag-uusapan niyo?” tanong nito matapos upuan ang silyang hinila mula sa kabilang mesa at tumabi kay Ella.
“Bloody Mary…” marahang sagot ni Charlene.
“Sssshhhh…” sabi ni Jeremy, “mag-ingat ka sa pag-gamit ng mga salitang yan…” pananakot nito nang batukan naman siya ni RJ.
“Siraulo…” tawa ni RJ.
“Sus… natakot ka rin naman,” pang-aasar naman ni Ella.
“So ano ngang meron tungkol dyan sa pinag-uusapan niyo?” usisa pa ni Majo.
“Ms. Ma. Josefina Pelaez, kung ako sayo wag mo nang alamin at maaasar ka lang dyan kay Jeremy…” sagot naman ni Charlene.
“Kulang na nga lang maihi ka sa kaba kanina eh,” pangbu-bwisit pa ni Jeremy.
Biglang bumangka si RJ sa usapan, “bakit hindi na lang kaya tayo mag-dare? Magba-‘Bloody Mary…’ Sino game?”
“Ikaw… Ikaw nakaisip…” pambabara ni Charlene.
“Ay… KJ… Wala lang… Kung sino lang may gusto… Ganito, kung sino makakagawa may premyo…” dagdag pa ni RJ.
“Magkano?” biglang tanong ni Majo.
Sabay-sabay na napatingin ang lahat kay Majo, “kita mo, game si Majo… Sabi ko sa inyo maton yan eh,” sabi ni RJ.
“G*go… Magkano nga?!”
“Five thousand, oh? Call?” pagmamayabang ni Jeremy.
“Game…” matapang na sagot ni Majo.
“Pero dapat may proof…” sabi naman muli ni RJ.
“Proof? Mga kalokohan mo rin RJ eh ‘no?” kabig ni Ella.
“Kailangan i-video.”
+
Hawak-hawak ni Majo ang isang pulang kandila, nakaharap sa salamin, nang biglang may tumulong kulay pulang likido mula sa kanyang buhok, papunta sa pagitan ng kanyang kilay, pababa sa kanyang ilong. Walang masakit pero alam niyang dugo ang dumadaloy ngayon sa kanyang mukha, nang biglang may kamay na humablot sa kanya patungo sa kadiliman.
Iminulat na ni Majo ang kanyang mga mata, sabado na, ang araw na napagkasunduan nila para gawin niya ang pinagpustahan. Pagdating ng alas nuebe mamayang gabi, kailangan niyang magtungo sa eskwela sa CR sa 4th floor. Kung bakit 4th floor, ang sabi sa kanya ni Jeremy “it’s the Devil’s number, 13, 1 plus 3, 4…” kalokohan.
+
“Ihanda niyo na ang limang libo ko!” tawa ni Majo sa harap ng video cam, itinapat niya ang tripod nito sa harap ng salamin, sa anggulong kita ang repleksyon niya.
“Kaya ko ‘to,” bulong ni Majo sa kanyang sarili habang nakaharap sa salamin sa loob ng palikurang pambabae sa kanilang eskwelahan. Dis oras na ng gabi pero nanatili siyang mag-isa para gawin ang isang orasyong iilan lamang ang may lakas ng loob na gawin, o may lakas ng loob lang siyang gawin dahil sa perang kaakibat nito. Dinampot na niya ang pulang kandila na nakapatong sa lababo, huminga ng malalim pampawi sa matinding kabang nadarama bago tuluyang sindihan gamit ang lighter na nasa kanyang blusa.
Kinapa niya ang switch ng ilaw sa tabi ng malaking salamin. Tanging ang pulang ilaw na galing sa LED ng video camera na lang ang nakikita niya sa kanyang likuran. Wala na siyang nagawa kundi mapalunok kahit tuyong-tuyo naman ang kanyang bibig at lalamunan. Pumikit na siya.
“Bloody Mary…” unang ikot.
“Bloody Mary…” pangalawang ikot.
“Bloody Mary…” pangatlong ikot.
Umabot siya sa ikaanim na pagtawag nang may marinig siyang lumangitngit mula sa kanyang likuran, “hindi pwedeng huminto, hindi pwedeng dumilat…” bulong niya sa sarili. Ipinagpatuloy niya ang orasyon hanggang sa ikalabing dalawang beses, nadarama na niyang may kakaiba nang nangyayari sa kanyang kinaroroonan.
“Bloody Mary…” tapos na. Nakakabingi ang malakas na pagtibok ng kanyang puso, tapos na.
Dahan-dahan ay iminulat na niya ang kanyang mata. Nakita ang sarili sa salamin hawak pa rin ang nakasinding kandila, naroon pa rin ang pulang liwanag sa kanyang likuran, ang ilaw na nagmumula sa naka-record pa ring camera. Pero may kakaiba, kung kanina’y nasa tapat ito ng pinto sa gawing kanan, nasa kaliwa na ito ngayon. At nang ibaling niya ang tingin sa kanyang kanan…
Mabilis na nakalabas ng banyo si Majo, namatay na ang sindi ng kandila dahil sa mabilis niyang pagtakbo at tanging liwanag na lamang mula sa poste sa labas ng eskwela ang nagsisilbing ilaw sa buong paligid. Sumisigaw siya pero walang tinig na lumalabas sa kanyang bibig. Narating na niya ang hagdan at mabilis na bumaba, ngunit nasa landing pa lamang siya patungo sa 3rd floor nang makaharap niyang muli ang nakita sa loob ng CR.
Babaeng nakabalot sa puting kasuotan at belo na may maraming bakas ng dugong tumatakip sa kanyang mukha.
Paakyat na siyang muli, desisyong hindi na napag-isipan, nang matanaw naman na naroon din ang babae. “TAMA NA!!!” sigaw ni Majo, pero patuloy ang paglapit sa kanya ng dalawang babae, dalawang duguang babae.


“AYOKO NA!” sigaw niyang muli at umakyat sa railings ng hagdan. Hapong-hapo tumigil na ang dalawang babae sa kanilang paglapit at hinuhubad na ang belong suot. Iniwas niya ang tingin dahil sa takot at lumingon, doon, itinulak siya ng isang babae, walang takip sa mukha, pero pulang-pula dahil sa dugong umaagos rito.
“MAJO!” sigaw ni Charlene nang masaksihan ang pagkahulog ng kaibigan, mabilis niyang hinubad ang belo ganon din si Ella, “RJ! JEREMY!”
+
Nakahandusay ang isang babae sa sahig, nakakapangilabot ang pagka-ikot ng kanyang ulo lampas sa kanyang balikat palikod. May pulang likido na dumadaloy sa kanyang bumbunan.
Nakadilat si Majo, at doon nakita niyang katabi lang niya ang babaeng nagdulot ng kanyang masamang kapalaran, at sa huling pagkakataon…
“Bloody Mary…”
+ Tinapos mo ang ritwal, tinawag mo siya, wag kang lilingon. +

No comments:

Post a Comment