28 September, 2010

Promise of a Lifetime




Anak...

Paano ba 'to? Ahm...

Anak... Kamusta ka na? Kami, ayos naman kami. Si Carol, dalaga na, nahuli nang Daddy mo... May ka-text, boyfriend niya. Hahaha... Pinapunta nila sa bahay yung lalaki, pasado na sa akin, mestizo, si Kuya Daniel mo nega... Pinagkaisahan nila nang Daddy mo. Hindi na tuloy ulit bumisita sa bahay...

Si Daniel nga pala may trabaho na, limang buwan na siya sa pinapasukan niyang pabrika, at ang sabi sa kanya, mare-regular siya... Mabuti nga't nag-ayos na sa buhay ang kuya mong iyon, nagtino siya simula nang iwan mo kami.

Tapos si Daddy mo, tuloy-tuloy naman na ang gamot niya sa diabetis... Mild lang naman yung diabetis niya... Huwag ka mag-alala, hindi siya puputulan ng paa, baka yung ANO pa niya ang putulin ko, mukha kasing may kapatid pa kayo sa labas...

Hay...

Malaking tulong yung perang galing sayo... Yung bunso mong kapatid, si Raffy, hinahanap ka araw-araw. As in ARAW-ARAW. Palagi siyang naka, "Ma, si kuya Albert?" ikaw lang kasi masigasig na nagtuturo sa mga aralin niya. Hindi ko naman siya matulungan, ano bang malay ko sa... Ano nga ba iyon? Greatest... Great... Greattaste than? Basta yon. Saka LCD, sabi ko sa kanya TV yon, hindi daw, sa praksyom daw yon. Hindi ko alam sa kanya. Parati na nga kami nagsisigawan... Hindi ko kasi maintindihan, e ikaw ang kumukuha ng inhinyero sa pamilya kaya ikaw lang talaga makakatulong sa praksyom na yon.

Dahil sa perang galing sayo, nakabayad na tayo kay Aling Patring. Yung matandang yon, wala kasing tigil sa kakadada.

Anak pasensya na kung ngayon lang ako nakapagparamdam...

Si Angel... Yung shishu... Yung aso mo... Nanganak na... Apat, tatlong lalaki, isang babae, puro kulay puti, kakulay lahat ni Angel... Mukhang mga basahan... Tuwang-tuwa nga si Raffy eh...

Ako? Ayos lang ako. Miss ka na. Hay... Albert... Bakit ba kasi ikaw pa ang kailangang umalis... Kulang na tayo... Wala ka na tuwing hapunan... Walang yumayakap sa Mommy mo... Albert... Gusto ko sanang bumalik ka na sa amin... Napagod ka nang mag-Dubai... Anak... Wala nang bumu-bola sa akin... Anak...

Wala nang nang-uuto sa akin... Wala nang nagsasabi sa akin na, "yor da bes mom on di word" Albert... Wala na akong goodboy... Al... Hay tama na ang drama... Baka sabihin mo pa tinatalo ko pa yung crash mong si Angel Locsin sa pagda-drama...

Saka pala... Lumabas na yung panganay mo... Anak niyo ni Trina... Isusunod sana sa pangalan mo... Kaso ampanget... ALBERTA? Kaya natagalan bago napag-isipan ang pangalan, sunod pa rin sa pangalan mo... Alvreit. Ang landi di ba? Saylen daw yung letrang Ta. ALBHREY... Maubusan ka nang hangin pangalan pa lang.

Hayaan mo... Sa susunod, bibisita din sila dito, 2 months pa lang kasi... Bawal pa yon dito sa simenteryo... Madaming bacteria dito...

Al... Kalahating taon ka na naming hindi kasama... Hay... At alam ko... Kahit anong usap ko sa iyo... Hindi ka na namin makakasama... Mabuti ka pa... Tahimik ka na d'yan. Wala nang problema... Wala na nga pala tayong problema sa bahay, yung perang nakuha namin nung namatay ka, naibili rin namin ng bahay. Medyo malayo nga lang sa dati nating inuupahan, pero atlis atin na yon talaga...

Sige na anak... Aalis na rin ako... Mahal kita... Mahal ka namin...

No comments:

Post a Comment